Dagliang pagkilos kinakailangan upang hamunin ang kawalan ng parusa sa mga may sala, ipagtanggol ang mamamayan at tugunan ang ugat ng krisis sa kapaligiran
Ang mga pagpatay sa mga taong nangangalaga sa kapaligiran at karapatan sa lupa ay labis na tumaas sa pagitan ng 2002 at 2013 habang tumataas din ang kompetisyon sa natural na rekurso, ayon sa ibininunyag ng ulat mula sa Global Witness. Sa kasalukuyan, 908 na tao ang kinikilalang namatay, kaugnay sa tunggalian malakihang pamumutol ng puno, pagmimina at karapatan sa lupa ang pangunahing pinagmumulan, at higit na tinamaan ang Latin Amerika at Asya-Pasipiko.
Inilabas noong ika-25 taong anibersaryo ng pagkakapaslang sa Brazilian rubber tapper Brazilian at aktibistang pangkapaligiran na si Chico Mendes, binigyang-diin ng Deadly Environment ang malubhang kakulangan ng impormasyon o pagsubaybay sa problemang ito. Nangangahulugan ito na ang kabuuan ay malamang na mas mataas kaysa sa mga ulat na nadokumento, bagama't ang naipabatid na antas ng karahasan ay pumapantay sa mas kilalang insidente ng pagpatay ng mga manunulat (journalists) sa parehong panahon (1). Ang kawalan ng pansin sa mga krimen laban sa tagapagtanggol ng kalikasan at lupa ang siyang nakapagpapatuloy ng nagiging natural na antas ng kawalan ng parusa, kung saan isang porsyento lamang ng mga may sala ang naparurusahan.
“Ipinapakita nito na mas mahalaga higit kailanman ang pagprotekta sa kapaligiran, at higit itong naging mapanganib, ” ayon kay Oliver Courtney ng Global Witness. “Maaaring may ilan pang mas maigting o mas matingkad na sintomas ng krisis sa pandaigdigang kapaligiran kaysa ang madamdaming pagtaas ng pagpatay sa ordinaryong mamamayang nagtatanggol sa kanilang karapatan sa lupa at kalikasan. Bagama't ang mabilis na lumalalang problemang ito ay nagpapatuloy nang hindi napapansin, at ang mga may sala ay parating nakakalusot. Umaasa kaming ang mga natuklasan namin ay magsilbing panggising sa mga pambansang pamahalaan at pandaigdigang pamayanan."
Ang mga sumusunod ang pangunahing natuklasan ng Deadly Environment :
- Hindi bababa sa 908 katao ang pinaslang sa 35 bansa sa pagtatanggol ng karapatan sa lupa at kalikasan sa pagitan ng 2002 at 2013, at tumataas ang bilang ng pagkamatay sa nakalipas na apat na taon sa halos dalawang aktibista kada linggo.
- 2012 ang pinakagrabeng taon ng pagiging tagapagtanggol ng kalikasan, kung saan 147 ang namatay – halos tatlong beses ang dami kumpara noong 2002.
- Karaniwan ang pagpapawalang-sala sa mga krimeng ito: 10 may sala lamang ang nahatulan sa pagitan ng 2002 at 2013 – halos mataas lang ng isang porsyento ng kabuuang saklaw ng pagpatay.
- Talamak ang problemang ito sa Latin Amerika at Timog Silangang Asya. Brazil ang pinakamapanganib na lugar sa pagtatanggol ng karapatan sa lupa at kapaligiran, na may 448 na pagpatay, kasunod ang Honduras (109) at ang Pilipinas (67).
Higit na pinalala ang problema ng kawalan ng sistematikong pagsubaybay o impormasyon. Kung naitala ang kaso, kadalasang nakikita itong hiwalay o tinatratong nakapailalim sa iba pang usapin ng karapatang pantao at isyung pangkalikasan. Kadalasang hindi alam ng biktima ang kanilang karapatan o hindi nila naigigiit sapagkat kulang ang kanilang rekurso sa kanilang kadalasang malayo at mapanganib na kinalalagyan.
Ayon kay John Knox, UN Independent Expert sa Karapatang Pantao at ang Kapaligiran, “May kabuluhan lamang ang karapatang pantao kung ito ay nagagamit ng mga tao. Nakikipaglaban ang mga tagapagtanggol ng kapaligiran at karapatang pantao (environmental human rights defenders) upang tiyakin na nabubuhay tayo sa kapaligirang nagbibigay sa atin ng daang matamasa ang ating batayang karapatan, kasama na ang karapatang mabuhay at maging malusog. Kinakailangan ng pandaigdigang pamayanan na kumilos upang ipagtanggol ang mga ito sa karahasan at panliligalig na kanilang kinakaharap bilang resulta.”
Ang mga katutubong pamayanan ang partikular na tinatamaan. Sa maraming kaso, hindi kinikilala ng batas o sa nakagawian ang karapatan nila sa lupa , iniiwang bukas sa pagsasamantala ng mga makapangyarihang pang-ekonomiyang interes na tinatatakan silang ‘kalaban sa pag-unlad’. Kadalasan, unang nalalaman na lang nila ang mga kasunduang taliwas sa kanilang interes kapag dumating na ang mga buldoser sa kanilang mga bukirin at kagubatan.
Karapatan sa lupa ang karaniwang senaryo sa karamihan ng mga nalalamang pagpatay, habang ang mga kumpanya at gobyerno ay regular na nakikipag-kasunduan ng palihim para sa malalaking tipak ng lupa at gubat upang magpalago nang mabilis na pagkakitaang pananim (cash crops) gaya ng rubber, palm oil at soya. Hindi bababa sa 661 – higit sa 2/3 – ng mga pagpatay ang naganap sa konteksto ng labanan sa pag-aari, kontrol at gamit ng lupa, kasama ang iba pang mga kadahilnan. Nakatutok ang mga ulat sa detalye ng sitwasyon sa Brazil, kung saan ang alitan sa lupain at industriyal na pagputol ng puno ang pangunahing nagtutulak, at sa Pilipinas, kung saan ang karahasan ay tila kaugnay sa sektor ng pagmimina.
“Ang patuloy na lumalalang sitwasyon ay tila nakatago sa simpleng paningin, at kailangan itong mabago. 2012, taon ng huling Rio Summit, ang pinakamatinding tala. Ang mga delegadong nagtipon para sa usapang klima sa Peru sa taong ito ay dapat mag-ingat – ang pangangalaga ng kapaligiran ay isa ngayong larangan ng digmaan para sa karapatang pantao. Habang umiiwas ang mga pamahalaan sa mga nilalaman ng bagong pandaigdigang kasunduan, sa lokal na antas, mas maraming bilang ng tao higit kailanman sa buong mundo ang inilalagay ng kanilang buhay sa alanganin upang protektahan ang kapaligiran”, ayon kay Andrew Simms ng Global Witness. “Maliban na lang kung magsasagawa ng kagyat na kilos ang pandaigdigang komunidad, mas maraming tao pa na kinikilala nating bayani ang mapapatay.”
Isinasaad din ng ulat na ang pagtaas ng pagpatay ang pinakatalamak at nasusukat na dulo ng hanay ng mga banta kasama na ang pananakot, karahasan, pagbabatik at pagsasakrimen. Ang bilang ng pagkamatay ay tumutukoy sa mas malaking antas ng di-nakamamatay na karahasan at pananakot, na hindi nadokumento ng pananaliksik subalit nangangailangan ng kagyat at epektibong pagkilos.
Nananawagan ang Global Witness ng higit na tugma at sama-samang pagkilos upang subaybayan at harapin ang krisis, simula sa resolusyon mula sa Konseho ng Karapatang Pantao sa UN na partikular na tumutugon sa pinaigting na banta laban sa mga tagapagtanggol ng kalikasan at lupa. Gayundin, ang mga pang-rehiyong grupo para sa karapatang pantao at pambansang pamahalaan ay nangangailangang subaybayan ang pang-aabuso at pagpatay ng mga aktibista, at tiyakin na ang mga may sala ay malapatan ng hustisya. Dapat isagawa ng mga kumpanya ang epektibong pagsisiyasat sa kanilang mga operasyon at ugnayan ng supply upang matiyak na hindi sila nakakapinsala.
/DUL
Para sa mga panayam, mga larawan at iba pang impormasyon, mangyaring kontakin:
Oliver Courtney, +44 (0)7912 517147, [email protected];
Alice Harrison, +44 (0)7841 338792, [email protected];
Mga tala sa editor:
(1) Ayon sa Komite upang Protektahan ang ma Manunulat (2014) Dataset: Mga manunulat na napatay mula 1992, 913 manunulat ang napatay sa pagsusumikap na isagawa ang kanilang gaawain sa kaparehong panahon.
Makukuha mula sa https://www.cpj.org/killed/cpj-database.xls
(2) Ang buong ulat at infografics ay makukuha mula sa www.globalwitness.org/deadlyenvironment
Ang Global Witness ay nag-iimbistiga at nangangampanya upang sawatain ang mga alitang may kaugnayan sa likas na yaman at korapsyon at ang magkakaugnay na pang-aabusong pangkapaligiran at karapatang pantao.